Naka-alerto na ang buong mundo sa pinangangambahang pagkalat ng Omicron variant.
Ito’y makaraang makapagtala na rin ng kaso ang Italy at Germany, bukod pa sa Belgium, Hongkong, Botswana, Israel at South Africa, kung saan una itong nadiskubre.
Ibinabala ng European Centre for Disease Prevention and Control na malaki ang posibilidad na kumalat sa Europa ang nasabing variant habang tumitindi ang taglamig.
Nagpatupad na rin ng kani-kanilang travel ban ang UK, US, Germany, Czech Republic, France, Netherlands, Australia para sa mga biyaherong nagmumula sa South Africa at mga bansang may kumpirmadong kaso ng Omicron variant.
Ikinukonsidera naman ng Pilipinas ang pagpapalawak at pagpapalawig ng travel ban upang mapigilan ang pagkalat ng panibagong COVID-19 variant.
Ito ang tugon ni Department of Health director Beverly Ho makaraang irekomenda nila sa Malakanyang ang suspensyon ng flights mula Hong Kong, kung saan may dalawang kumpirmadong kaso ng bagong variant.
Una nang nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas sa South Africa, kung saan unang nadiskubre ang Omicron, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique hanggang December 15. —mula sa panulat ni Drew Nacino