Nanganganib makasuhan ng technical malversation ang pamahalaan kung ipamimigay sa Kadamay ang pabahay na nakalaan sa mga sundalo at pulis sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco, nakasulat sa batas ng budget na ang pondong inilaan ay para sa pabahay sa mga sundalo at pulis kaya’t hindi ito puwedeng gamitin sa ibang paraan.
Dahil dito, kinausap na anya niya si Congressman Alfredo Benitez na siyang Chairman ng Committee on Housing sa Kongreso upang makagawa ng paraan kung paano aamyendahan ang batas.
Sinabi ni Evasco na handa siyang sundin ang utos ng Pangulo na ibigay sa Kadamay ang mga inokupahan nilang pabahay sa Pandi, Bulacan subalit marami pa anyang isyu ang dapat klaruhin dito.
Isa na dito kung exempted ba ang Kadamay sa polisiya ng NHA o National Housing Authority na kailangang magbayad ng dalawandaang piso (P200) ang nabigyan ng pabahay pagkaraan ng limang (5) taon.
Sinabi ni Evasco na aalamin rin niya kung ang inokupahang bahay ng Kadamay ang ibibigay na sa kanila o ihahanap sila ng bakante dahil posibleng may matagal nang nag-aantay na benepisyaryo ang inokupahang bahay.
Maliban dito, sasalang rin aniya sa evaluation ang mga miyembro ng Kadamay na mabibigyan ng bahay upang malaman kung dati na silang naging benepisyaryo ng pabahay at kung ano ang ginawa nila sa naibigay sa kanilang bahay.
Ayon kay Evasco, marami na kasing report na isinasanla o ibinebenta lamang ng mga benepisyaryo ang bahay na naibigay sa kanila ng pamahalaan.
By Len Aguirre
Photo Credit: PCOO