Positibo pa rin ang Government Peace Panel sa muling pagbabalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF).
Ayon kay Government Peace Panel Chair at Labor Secretary Silvestre Bello III, nananatiling buhay ang peace talks.
Hindi aniya naputol o tumigil ang komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan at mga komunistang grupo sa kabila ng naging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang usapang pangkapayapaan.
Iginiit ni bello, hindi kailanman inabandona ni Pangulong Duterte ang kanyang pangarap para sa pangmatagalang pangkapayapaan sa bansa bagkus ay nanindigan lamang ito sa kanyang posisyon noon.
Bagama’t hindi na idinetalye pa ng kalihim ang ginagawang hakbang ng pamahalaan kanyang tiniyak na nagpapatuloy ang kanilang pagsisikap na makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa.
—-