Kinalampag ni Rep. Florida Perez-Robes ng Lone District ng San Jose Del Monte, Bulacan ang gobyerno at pribadong sektor kaugnay ng tumataas na bilang ng mga insidente ng suicide, depression at iba pang mental health issues sa hanay ng mga kabataan.
Sa kanyang privilege speech, binigyang diin ni Perez-Robes na dapat tugunan sa lalong madaling panahon ang usapin kung saan nakararanas ng matinding depresyon ang mga biktima na maaaring humantong sa pagkitil sa sariling buhay.
Isiniwalat ni Perez-Robes na batay sa report ng World Health Organization noong 2017, anim na lalaki at dalawang babae sa 100,000 katao ang apektado nito.
Tinatayang 2,000 suicide cases din aniya ang naitala mula 2000 hanggang 2012 na kinasangkutan ng mga taong nasa pagitan ng 15 at 29 taong gulang ang edad.
Giit niya, kung 25-anyos lamang pataas noon ang apektado ng depression-related suicides, ngayon ay tinatamaan na nito ang mayorya ng may edad 13 hanggang 25 taong gulang.
Base naman sa datos ng WHO, nasa 3,000 katao ang nagpapatiwakal kada araw sa buong mundo.
Dahil dito, mahalaga aniyang kumilos na ang gobyerno at ang mga kinauukulang ahensya upang matugunan ang problemang ito.
Maliban dito, sinabi pa ng mambabatas na dapat nang apurahin ng DOH ang implementasyon ng Republic Act 11036 o ang Philippine Mental Health Law, partikular ang paglulunsad ng mas malakas at mas malawak na anti-suicide helplines.
Sa panig naman ng Kongreso, sinabi ni Perez-Robes na dapat tingnang maigi ng mga mambabatas ang mga butas kung bakit nahihirapan ang gobyerno na kumuha ng mga lisensiyadong guidance counselors sa ilalim ng Republic Act 9258 o ang Guidance and Counseling Act of 2004 kung saan paghirapan umano ang pagkuha ng licensing requirements.
Ayon pa kay Perez-Robes, para makakuha ng PRC Licensure Examination, itinatakda ng batas na dapat may Bachelor’s Degree ang isang aplikante partikular sa Guidance and Counseling o iba pang allied disciplines at Master’s Degree sa Guidance Counseling.
“This steep licensing requirement coupled with a low entry salary of P21,000 per month are considered deterrents to those who wish to pursue a career in guidance and counseling, hence, the scarcity. The Department of Education has a current 2,200 unfilled vacancies for Licensed Guidance Counselors,” giit pa ng Solon.