Target ng pamahalaan na mabigyan ng Philippine ID ang lahat ng Pilipino sa susunod na limang taon.
Ayon kay Congresswoman Sol Aragones, may akda ng panukalang Philippine ID System, mayroon nang nabuong technical working group na gagawa ng Implementing Rules and Regulations o IRR na agad kikilos sa sandaling malagdaan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala.
Ngayong taon aniya ay isang milyong senior citizens, 4P’s at mga disabled mula sa Region 4-A, Cordillera Administrative Region at National Capital Region ang target na unang mabibigyan ng Philippine ID.
Dalawampu’t limang (25) milyong Pilipino naman aniya ang target mabigyan ng Philippine ID sa susunod na taon hanggang sa makumpleto ang kabuuan ng populasyon sa ika-limang taon.
Sa ngayon, lagda na lamang ng Pangulo ang kulang upang maisabatas ang Philippine ID System.
“Kailangan nating magparehistro, merong mga registration centers na itinalaga ang PSA, halimbawa ang PhilHealth, GSIS at marami pang ahensya na puwede kang magparehistro doon, ang una mong kailangang dalhin ay ang iyong birth certificate bilang pasimula at puwede ka nang mabigyan ng Phil ID at ang number mo dito ay for life na, hindi ito transferable.” Pahayag ni Aragones
(Ratsada Balita Interview)