Pumalo na sa higit 5 milyong dolyar ang nakalap na pondo ng Department of Tourism (DOT) para sa gaganaping Miss Universe sa susunod na taon.
Sinabi ni Tourism Secretary Wanda Teo, nakuha ang naturang pondo sa pamamagitan ng pribadong sektor sa pangunguna ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
Patuloy aniya ang kanilang ginagawa pangangalap ng pondo upang masigurong walang gagastusin ang gobyerno.
Samantala, malinaw naman ang naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi itatago ang mga street dweller sa panahon ng Ms. Universe.
Steve Harvey
Samantala, tutol si Pangulong Rodrigo Duterte na si Steve Harvey pa rin ang maging host ng Ms. Universe na gaganapin sa bansa.
Ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo, sinabi ng Pangulo na handa syang kausapin mismo ang mga organizer ng naturang beauty pageant upang pigilin ang muling pag ho-host ni Harvey.
Aniya, mukhang seryoso ang Pangulo dahil hindi naman aniya ito tumawa o ngumiti man lamang nang sila ay magkausap.
Nakapirma na ng 5 taong kontrata si Harvey sa Ms. Universe Organization bago pa man ang kontrobersiyal na pangyayari noong 2015 kung saan nangkamali sya sa pag-anunsyo sa nanalong kandidata.
By Rianne Briones