Umaasa ang Government Peace Panel na nakikipag-usap sa CPP-NPA-NDF na muling pabubuksan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa komunistang grupo.
Reaksyon ito ni Labor Secretary at Peace Panel Chairman Silvestre Bello III makaraang sang-ayunan ng Pangulo ang localized peace talks at hikayatin nito ang mga NPA na magbalik loob na sa pamahalaan.
Gayunman, sinabi ni Bello na hindi puwede sa localized peace talks ang Government Peace Panel dahil hindi ito ang kanilang mandato.
“From his statement since suspension, very encouraging mukhang may opening na magkakaroon ng resumption of the peace talks, we respect the effort and the initiative of Mayor Sara Duterte, very possible na yung daan na kanyang iniisip ay tama pero kami kasi ang mandato namin is to talk peace with NDF-CPP-NPA on a large scale and nationwide basis, in fact the national security group ng Presidente, pinapayagan kaming makipag-usap sa kanila, ibig sabihin sila ang tamang kausapin.” Ani Bello
Ayon kay Bello, matagal nang tinanggihan ng pamunuan ng CPP-NPA-NDF ang localized peace talks dahil posibleng maging ugat ito ng pagkahati-hati ng kanilang organisasyon.
Sinabi ni Bello na nahinto na rin ang back channel talks sa CPP-NPA-NDF subalit patuloy naman ang kanyang personal na pakikipag-ugnayan sa kanyang counterparts sa peace panel.
“Ang intindi ko ay meron silang mga makaka-usap representing the CPP-NPA-NDF, they will address I presume the local issues, but I have to be very frank about this kasi ever since tinanggihan ng ng leadership nila yan kasi they look at this move to divide them kaya kami hindi naming pinush.” Pahayag ni Bello
(Ratsada Balita Interview)