Uubusin ng gobyerno ang lahat ng hotel rooms sa Metro Manila para gamiting isolation facility sa mga magpo-positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Binigyang diin ito ni Presidential Spokesman Harry Roque lalo nat wala pa namang turismo dahil nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) pa ang kalakhang Maynila.
Sinabi ni Roque na natural lamang na tumaas ang kaso ng COVID-19 dahil pinaigting na ng gobyerno ang testing at contact tracing.
Sa ngayon aniya nasa 2,000 hotel rooms na ang ginagamit na isolation facility para sa mga asymptomatic at mild cases ng COVID-19.
Kasabay nito ipinabatid pa ni Roque na madadagdagan na rin ng 250 ang ICU bed capacity sa East Avenue Medical Center gayundin ang Quirino Memorial Hospital at isa pang hindi tinukoy na ospital samantalang nakikipagusap na rin sila sa Philippine General Hospital sa posibilidad na pag-convert sa ward nito bilang ICU bed para sa mga pasyente ng COVID-19.