Walang plano ang pamahalaan na magdeklara ng unilateral ceasefire.
Ayon kay Government Peace Chief Negotiator at Labor Secretary Silvestre Bello III, mas nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng bilateral ceasefire na lalagdaan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF.
Binigyang diin ni Bello na hindi naman magiging balakid sa usapang pangkapayapaan kung hindi magdedeklara ang pamahalaan ng unilateral ceasefire.
Ang ika-apat na round ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF sa Abril 2 na tatagal ng Abril 7 sa The Netherlands.
AFP
Samantala, handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na bigyan ng pagkakataon ang New People’s Army na patunayan ang kanilang sinseridad sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng rebeldeng komunista.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla, hindi natitinag ang suporta ng militar sa isinusulong na usapang pangkapayapaan sa kabila ng agam-agam sa sinsiredad ng kabilang panig.
Una rito, inalmahan ng AFP ang pagpapalakas ng NPA sa kanilang puwersa sa pamamagitan ng recruitment.
Giit ng Sandatahang Lakas, tila taliwas kasi ang aksyon ng NPA sa mga binibitiwan nilang salita gaya ng pagsuporta at paggalang sa peace talks.
By Ralph Obina