Sa gitna ng diskusyon kung ititigil o itutuloy ang paggamit ng faceshield, ibinunyag ng Department of Health (DOH) na tinatalakay na ang posibleng ipalit dito bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Aminado si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ikinukunsudera na nilang irekomenda ang paggamit ng goggles at double face masks sa halip na face shields.
Ayon kay Vergeire, lumutang ang issue nang magsagawa ng re-evaluation ang DOH at health experts sa ebidensyang may proteksyong hatid ang face shield.
Nagsisilbi anyang proteksyon ang goggles sa mata laban sa mga droplets at aerosols na maaaring magdala ng mga virus.
Isusumite naman ng DOH ang rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force sa Huwebes kaugnay sa kahihinatnan ng face shield. —sa panulat ni Drew Nacino