Pumasa sa ikatlong yugto ng Performance Governance System (PGS) ang Bureau Of Customs at nakamit nito ang gold trailblazer award ng Institute for Solidarity in Asia (ISA).
Ang gold trailblazer award ay ginawad ng ISA matapos na maipasa ng Bureau Of Customs (BOC) ang iba’t ibang stages ng PGS.
Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, taong 2019 ng mag-enroll ang customs sa ISA at pumasa naman ang customs sa pangatlong pagsusuri o proficiency revalida ng kagawaran .
Aabutin pa ng mahigit isang taon pa muli upang tuluyan makamit ng customs ang kabuuang programa ng PGS kung saan kailangan nito maipatupad ang lahat na inihain na programa kabilang na dito ang system automation ng 148 na proseso sa loob ng customs, national customs enforcement network para sa pagpapaigting ng trabaho nito na border control.
Layunin din ng PGS na baguhin ang kultura at tiwaling kaugalian ng mga kawani kung saan sa pamamagitan ng 17 customer centers ng customs sa buong Pilipinas kung saan online at wala ng direktang ugnayan ang mga stakeholders sa bawat kawani ng customs .
Dinagdag ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na inaasahan nila na sa programa ng PGS ay lalo nila mapapahusay at mapapabilis ang mga proseso sa sa loob ng BOC. — mula sa ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)