Ikinadismaya ni Senador Richard Gordon ang hindi pagkakasama nila dating Pangulong Noynoy Aquino at dating budget Secretary Florencio “Butch” Abad sa isinampang kaso ng DOJ o Department of Justice.
Ito’y makaraang irekumenda ng justice department ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide laban kay dating Health Sec. Janette Garin kaugnay sa pagkasawi ng walong bata na naturukan ng anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon kay Gordon, matibay na ebidensyang magdiriin sana kina Aquino at Abad ang inilabas na saro o special allotment release order matapos ang sunud-sunod na pakikipagpulong nuon sa kumpaniyang Sanofi Pasteur na nakabase sa Paris, France.
Gayunman, aminado si Gordon na wala rin namang matibay na batayan na susuporta sa alegasyon na ang dengvaxia nga ang naging sanhi ng pagkamatay ng ilang kabataang naturukan nito.
Magugunitang pinangunahan ni Gordon ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa nasabing usapin bilang chairman ng makapangyarihang Senate blue ribbon committee.