Iminungkahi ni Sen. Richard Gordon na pulungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Security Council para talakayin ang mga usapin hinggil sa Visiting Forces Agreement at West Philippine Sea.
Ayon kay Gordon, mas makabubuti na idaan sa dayalogo at matahimik na pagkilos ang usapin sa VFA at West Philippine Sea sa halip na nag iingay ukol dito.
Iginiit din ni Gordon na hindi maaring patahimikin ng pangulo ang senado dahil bahagi ito sa foreign policy at ito ang nag-aapruba ng mga tratado at international agreements na pinapasok ng gobyerno.
Hinimok din ng opisyal ang pangulo na ipaubaya na lang kina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pakikipagnegosasyon sa estados unidos para sa VFA dahil mas epektibo aniya ang quiet diplomacy.
Ginawa ni Gordon ang naturang suhestyon matapos kontrahin ang sinabi ng pangulo na siya lang ang mag-isang magdedesisyon sa foreign policy ng bansa at walang kinalaman dito sina Vice President Leni Robredo at si Senator Ping Lacson. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)