Tinuligsa ni Atty. Ferdinand Topacio si Sen. Dick Gordon sa umano’y patuloy na panggagamit nito sa Pharmally issue para sa kanyang kandidatura.
Giit ni Topacio, ipinakulong lamang sa kasong contempt sa gitna ng Senate hearing ang kanyang mga kliyente na sina Pharmally Director Linconn Ong at Pharmally Secretary Mohit Dargani pero ipinalalabas na ni Gordon sa political advertisements para sa May 2022 election na ang dalawa ay ang mukha ng graft & corruption na nilalabanan ng senador.
“I call out in the strongest terms the latest advertisement of Sen Gordon which used images of my clients. Under the Constitution, Ong and Dargani enjoys the presumption of innocence and the right to due process both of which have been denied them by Gordon,” saad sa Tweet ni Topacio.
Ayon kay Topacio, noon pa man ay malinaw na sa kanila ang panggagamit ni Gordon sa isyu para sa kanyang re-election bid kaya sa loob ng anim na buwan ay hindi pa rin napapalaya sina Ong at Dargani kahit tapos na ang Senate investigation sa Pharmally issue at naka-recess na ang Senado.
“My clients have been made to look guilty without the benefit of even a court case, much less a trial. Gordon, in seeking to promote himself at the expense of my clients, has exhibited conduct that is very unseemly of a lawyer and a Senator. If only for this, he should be repudiated by the electorate,” wika ni Topacio.
Maliban dito, binanggit din ni Topacio ang responsibilidad ni Senate President Tito Sotto na huwag pabayaan na magamit ang Senado para sa aniya’y pansariling interes ni Gordon.
“Mr. Sotto has the responsibility to see to it that the Senate and its members adhere to certain ethical standards and not use that august chamber for their own nefarious agenda,” paliwanag pa ni Topacio.
Kasabay nito, umaapela rin si Topacio sa iba’t ibang media platforms na tanggihan ang political ads ni Gordon na hindi lamang offensive kundi malinaw na lumalabag sa Konstitusyon.
“I call on every voter to Flush Gordon out of the Senate,” dagdag pa ng abogado.
Suportado naman ni Atty. Trixie Angeles ang posisyon ni Topacio kung saan sa isang tweet ay iginiit din nito na naghahangad pa ng re-election si Gordon gayung ito ang unang lumalabag sa karapatan at presumption of innocence nang ipakulong nito sina Dargani at Ong.
Matatandaang binigyang diin ni Sen. Panfilo Lacson, miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee, na dapat nang palayain ang dalawa dahil tapos na ang imbestigasyon ng Senado sa Pharmally issue at mayroon nang final report dito ang komite.
Gayunman, kinontra ito ni Gordon sa pagsasabing preliminary report pa lamang ang ipinalalabas ng komite, na ayon naman kay Topacio, ay walang preliminary report sa Senate rules.