Nauunawaan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang panawagan ni PNP Chief General Oscar Albayalde na mag-move on na sa usapin ng ‘ninja cops’.
Ayon kay Gordon, pressure para kay Albayalde ang kontrobersiya lalo’t nataon aniya ito sa nalalapit nang pagreretiro ng heneral.
Binigyang diin pa ni Gordon, mas mabuting nabigyan ng pagkakataon si Albayalde na sagutin ang isyu ng ninja cop at maimbestigahan ito sa isang public hearing kaysa sa isang quiet hearing.
Tiniyak naman ng senador na maingat ang kanilang isinasagawang imbestigasyon na naglalayong alamin ang katotohanan at maresolba ang sinasabing pagkakasangkot ng mga pulis sa ‘agaw bato scheme’ at pagrerecycle ng iligal na droga.
Bukas, nakatakdang ipagpatuloy ng Senado ang imbestigasyon sa isyu ng ‘ninja cops’ kung saan inaasahang haharap muli si Albayalde. — ulat mula kay Cely Ortega- Bueno (Patrol 19)