Dapat nang palitan si Senador Richard Gordon bilang committee chair ng blue ribbon para sa katotohanan.
Ito ang inihayag ni Senador Antonio Trillanes IV sa panayam ni Cely Ortega – Bueno sa programang Usapang Senado ng DWIZ.
Kasagsagan pa lamang umano ng pagdinig noong isang taon kaugnay sa umano’y EJK’s o extra judicial killings sa bansa ay nililihis na umano ni Gordon sa gusto niyang maging paksa sa pagdinig.
Dagdag pa ni Trillanes, binigyan na agad ni Gordon ng konklusyon ang imbestigasyon na negatibo ang bansa sa EJK’s.
Aniya, hindi na sana aabot sa libo-libo ang namamatay dahil sa EJK kung hindi hininto ni Gordon ang pagdinig kahit pa may mga tetestigo laban dito.
Last year pa ito eh, last year pa ‘yang isyu na ‘yan. Pero nagbigay siya ng, binigyan niya ng conclusion na wala daw mga EJK’s, wala daw sponsor ang EJK.
Tapos hininto niya ‘yun, may mga testigo pa ‘yung Commission on Human Rights, 9 na testigo ‘yun na ganyan din sana ‘yung sasabihin, ituturo dun sa mga pulis na gumagawa.
Hindi pwedeng maglinis dito si Senator Gordon kasi yung dugo eh nasa kamay niya rito dahil we could have stop this as early as last year pero ngayon heto na lumagpas na ng 10,000 ‘yung patay.
Bukod dito, binigyang-diin niya na hindi na nabibigyan ng pagkakataon ang iba pang mga senador na makapagtanong dahil si Gordon lamang umano ang may boses.
Kasabay nito, sinabi ni Trillanes na ganito din ang ginagawa ng blue ribbon committee chair sa kasalukuyang imbestigasyon sa pagkakapuslit ng P6.4-B halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BOC)
The way he conducts ‘yung committee hearing eh hindi nakakapagtanong ‘yung ibang senador eh, nalilihis kung saan niya gustong dalhin, doon niya dadalhin.
Kunwari maglalakas siya ng boses, kunwari galit siya pero na-aabswelto ‘yung mga guilty sa mga pangyayaring ito.
Base na rin sa pamumulso ko sa ibang senador eh talagang nasusuya na din sila how Senator Gordon is conducting the investigation kasi hindi na din sila nakakapagtanong.
Biruin mo, papasok sila ng alas-9, alas-2 hindi pa sila nakakapagtanong.
Samantala, bahala na aniya ang majority kung sino ang sa tingin nila ang maaaring pumalit kay Senador Gordon ngunit aniya kung siya ang tatanungin, maaaring pagpilian sina Senador Sonny Angara, Senador Chiz Escudero, Senador Panfilo Lacson at Senador Grace Poe.