Hindi natinag si Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Senador Richard Gordon sa panibagong birada sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang tawaging mukhang pera ng Pangulo ang PRC matapos i-ulat ni Health Sec. Francisco Duque III na nagpatuloy na ito sa kanilang ginagawang COVID-19 testing nang mabayaran na ang pagkakautang sa kanila ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Gordon, nauunawaan niya kung saan ang pinanggagalingan ng Pangulo sabay sabing sanay na siya rito kaya’t hindi niya ito minamasama.
Gayunman, iginiit ni Gordon na hindi sila mukhang pera sa PRC kaya’t sana’y maghinay-hinay ang pangulo sa mga binibitiwan nitong pahayag dahil tiyak na masasaktan dito ay ang mga volunteer nilang nagsusumikap na makapagsilbi sa bayan.
Tiwala rin ang Senador na posibleng ang tinutukoy ng Pangulo na mukhang pera ay ang mga nagsamantala sa panahong itinigil ng Red Cross ang COVID-19 testing.