Tumanggi si Senador Richard Gordon sa panawagang mailipat ang naka-detineng si Police Colonel Rodney Baloyo IV –mula New Bilibid Prison (NBP) papuntang San Fernando City District Jail.
Ito’y makaraang ihayag ni Gordon na buo aniya ang napagdesisyunan ng pinamumunuang blue ribbon committee na panatilihin si Baloyo sa pangangalaga ng NBP.
Maaalalang ipinakulong ng senate blue ribbon committee si Baloyo sa NBP makaraang hindi makipagtulungan sa isinasagawa noong imbestigasyon ng kumite ni Gordon hinggil sa good conduct time allowance (GCTA) na tumalakay din sa isyu ng ‘ninja cops’.
Kasunod nito, paliwanag ni Gordon, oras na kailanganing humarap ni Baloyo sa korte para sa kaso nito, pinapayagan naman na aniya ang pagsasagawa ng ‘video conferencing’ dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.