WALANG pagaalinlangan at buo ang suportang ipinakita ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. kasama ang buong lalawigan sa tambalan nina presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice-presidential frontrunner Mayor Inday Sara Duterte.
Sa ginanap na rally sa Lanao del Sur provincial gymnasium kamakailan ipinakita ng Lanaoeños na buo ang kanilang suporta para sa BBM-Sara UniTeam.
Unang nagkaroon ng mini- rally ang UniTeam sa Marawi City gymnasium na dinaluhan ng libo-libong supporters.
Sa talumpati ni Gov. Adiong ay sinabi nito na buo ang suporta ng Lanao del Sur sa tambalang Marcos At Duterte, aniya ang pagtangkilik ng Lanaoeños sa UniTeam ay hindi matutumbasan.
“Buong suporta ng Lanao del Sur ay nandito ngayon para ipakita na walang katulad ang pagtangkilik sa nangungunang UniTeam, kasama natin ngayon ang inaabangan ng lahat na susunod na mamumuno at magtutuloy ng pagbabago sa ating bansa.” sabi niya.
Idinagdag pa niya na buo ang kanyang tiwala kay Marcos lalo na’t ang pangunahing layunin nito ay pagbubuklod, pagkakaisa at tagumpay ng bawat Pilipino.
“Ipakita natin ngayon ang ating suporta sa UniTeam na ang pangunahing layunin ay pagbubuklod, pagkakaisa at tagumpay ng bawat Pilipino,” sabi ni Gov. Adiong Jr.
“Wala po tayong pag-aalinlangan at buong- buo ang ating tiwala kay BBM.” dagdag pa ng gobernador.
Hanga din ang gobernador sa katangiang taglay ni Marcos, handa din aniya sila na samahan ang dating senador hanggang makamtan nito ang tagumpay.
“Ang katangian ni BBM bilang matapang ngunit mapagkumbaba, matalino, pursigido at higit sa lahat ay matibay ang pagmamahal sa Pilipinas ay sumasalamin sa pagpupunyagi ng bawat tao na nandito ngayon.”
“Kami ay maglalakbay kasama mo hanggat makamit at marating natin ang tagumpay ngayong Mayo.”
Naniniwala din ang gobernador na si Marcos ang magpapatuloy sa magandang ginawa ni Presidente Duterte sa kanilang lalawigan tulad ng pagtugon sa rehabilitation ng Marawi City.
“Lalong palalawigin ni BBM ang magandang simulain ni Pangulong Duterte, bababa na siya sa puwesto ngunit hindi natin makakalimutan ang ipinamalas niya galing sa ating lalawigan, para sa mga maranao hanggat sa pagtugon ng rehabilitasyon sa Marawi City.” ayon sa gobernador.
Sinigurado naman ni Gov. Adiong Jr. na landslide ang magiging resulta para kay Marcos at Duterte sa kanyang lalawigan.
“Nandito ang mga mayors, kaya Mr. President (Marcos) umasa ka at sa ating bise presidente (Duterte) dito sa Lanao del Sur sigurado landslide ang resulta dito sa aming lalawigan.” pagtatapos ng gobernador.