Buong suporta ang ibibigay ng probinsiya ng Abra sa kandidatura ni presidential bet Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr at kanyang running mate na si vice presidential candidate Inday Sara Duterte sa darating na halalan.
Ayon kay Abra Governor Ma. Jocelyn Valero Bernos, ang kanilang suporta ay nagmula sa kanilang paniniwala sa panawagang pagkakaisa ng UniTeam.
“First, maganda yung call for unity kasi yun ang importante for governance. Kasi kahit sino hindi makaka-act as a leader (efficiently) kung walang unity,” sabi ni Bernos.
“‘Yun ang the best reason why kami dito sa Abra- actually wala na kaming effort for BBM automatic yan kasi Ilocano country ‘to so automatic kami by heart BBM na kami. Totoo ang Solid North,” dagdag pa niya.
Sinabi din ni Bernos na siya at ang 27 town mayors ng Abra ay nagpahayag na ng suporta sa UniTeam.
“Lahat ng mayors namin for BBM- Sara lahat so pwede kong sabihin na yung suporta namin kay BBM ganun din ang support kay Mayor Inday,” wika nito.
Ipinaliwanag niya na noon pa man ay pareho ng tumutulong sa kanilang lalawigan sina Bongbong at Sara bago pa man sila maging isang tambalan.
Idinagdag ni Bernos na laging nakahandang sumaklolo at tumulong sa kanila si Bongbong at Sara sa panahon ng pangangailangan at mga kalamidad.
Sinabi ni Bernos na laging tumutulong sa probinsya ng Abra si Bongbong kahit na hindi na ito isang politiko at maging si Sara ay mula sa Davao, lagi rin itong handang magpadala ng tulong sa kanila.
Sa tambalang North at South, ito aniya ay kasiguraduhan na walang maiiwan sa ilalim ng pamamahala ng UniTeam.
“It will be a first tandem na yung South and North magka-tie up which is a good precedent sa lahat kasi magiging equal yung distribution ng programs, ng projects, hindi lang sasabihin ng taga-South na si BBM (taga-) North lang kaya North na naman ang mamamayagpag dyan,” sabi niya.
“Pero dahil ka-tandem si South (Inday Sara), hindi maiiwan ang South sa lahat ng programa ng national government kung si BBM- at sure ako na si BBM ang magiging presidente,” dagdag pa nito.
Sa oras na manalo, umaasa si Bernos na maitutuloy ng UniTeam ang kanilang Dugong Bucay bridge project.
“Na-try namin maipasa ngayong administration ‘di lang napondohan. Siguro kapag nagkaron tayo ng chance na maka-request ulit kay BBM kapag presidente na siya, mapapagbigyan tayo dito,” sabi niya.
Naniniwala ang gobernadora na mas lalong uunlad ang probinsiya ng Abra sa tulong ni Bongbong gaya ng kung paanong naging malaking tulong sa kanila ang Don Mariano Marcos Bridge na naitayo noong panahon ni dating presidente Ferdinand Marcos Sr.
“‘Yung Don Mariano Marcos Bridge (is) connecting 10 municipalities from Bangued town so malaking tulong yun. From that project palang alam namin na si BBM ang parang magbibigay pa rin sa amin ng progress dito sa Abra,” wika ni Bernos.