Iginiit ni Albay Governor Al Francis Bichara na hindi na sapat at kukulangin na ang pondo ng lokal na pamahalaan para tugunan ang mga pangangailangan ng mga residente na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sa kanyang pagharap kay Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, Enero 29, sinabi ni Bichara na kakailanganin pa nila ng mas malaking halaga dahil umaabot sa apat na milyong piso (P4-M) kada araw ang kanilang gastos para ayudahan ang dalawampung libong (20,000) pamilya na nasa mga evacuation center.
Dagdag pa ni Bichara, libo – libo nang mag – aaral ang naapektuhan ng pag – aalburuto ng bulkan dahil nagsisilbing mga evacuation center ang kanilang mga paaralan.
Samantala, nag-abot na ng dalawampung milyong piso (P20-M) na paunang tulong ang Pangulo para sa mga taga – Albay noong Lunes at nangako ito ng karagdagan pang limangpung milyong piso (P50-M) na inaasahang darating ngayong araw, Enero 30.
Matatandaang sumampa na sa P189-M ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa Albay dahil sa pagaalburoto ng Bulkang Mayon.
Batay sa tala ng NDRRMC, P181-M ang pinsala sa bigas, P7-M sa mais habang halos kalahating miyong piso sa abaca.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol na nasa 70% na ng mga palayan sa paligid ng Mayon ang napinsala.