Umalma si Pampanga Governor Lilia Pineda sa pagdawit ni Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam sa kanyang asawang negosyante na si Bong Pineda sa illegal numbers game na ‘jueteng’.
Ito ay makaraang sabihin ni Cam sa pagdinig sa Senado na nakikipagsabwatan si PCSO General Manager Alexander Balutan kay Bong Pineda para gamitin ang Small Town Lottery (STL) bilang ‘front’ ng jueteng.
Ayon kay Governor Pineda, hindi malapit ang kanyang pamilya kay Balutan at ang tanging ugnayan lamang nila sa PCSO ay ang mga charity works ng ahensya sa mga lalawigan sa bansa.
Iginiit ni Pineda na hindi dapat agad na nag-akusa si Cam kung wala naman itong matibay na ebidensya.
Huwag din aniya silang idamay kung may personal na sama ng loob si Cam sa iba niyang mga kasamahang opisyal sa PCSO.
Una nang umarangkada ang imbestigasyon ng Senate Committee on Games and Amusement ukol sa mga kontrobersyang kinakaharap ng PCSO.