Pinili ni Negros Oriental Governor Henry Pryde Tevez na magpaubaya na sa Department of Interior and Local Government upang maiwasan ang pagka-antala ng paghahatid ng serbisyo sa publiko at pagkakaroon ng mga hindi kanais-nais na kaganapan sa kanilang lalawigan.
Ito’y matapos na hindi agad maglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order laban sa desisyon ng Commission on Elections na nagpapawalang bisa sa pagkapanalo ni Teves sa Gubernatorial race noong May 9 elections.
Ayon sa Gobernador, hindi niya nais masakripisyo ang mga empleyado at serbisyo ng pamahalaan sa mga taga-Negros Oriental.
Naniniwala si Teves na kung hindi siya magpaparaya, kahit na siya ang duly elected na gobernador ng lalawigan ay maaaring magdulot ito ng karagdagang tensyon o pagka-paralisa ng government service sa buong lalawigan.
Sa ginanap na deliberasyon sa Supreme Court, hindi sila naglabas ng TRO, sa halip ay pinagkomento ang magkabilang panig sa loob ng maximum na 15 days bago mag-desisyon sa hirit na tro.
Gayunman, inihayag ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, ligal na manatili sa pwesto ang kanyang kliyente dahil wala namang denial sa TRO petition.
Naniniwala si Topacio na dapat ay manatili sa posisyon ang kanyang kliyente habang wala pang final ruling ang s.c. sa kaso.
Labis rin ang pagkabigla ni Topacio sa ginawa ni Teves, dahil nagpupulong pa anya sila ng mga abogado nang biglaan itong magdesisyon na magparaya.