Nagreresulta na sa napakalaking multa ang pagpupumilit ng gobyerno sa mga provincial bus mula Northern Luzon na gamitin ang North Luzon Express Terminal sa Bocaue, Bulacan.
Ito ang inihayag ni dating senador at Public Transportation Advocate Nikki Coseteng sa gitna ng pagtatapos bukas ng dry run ng pagbabalik ng mga provincial bus sa EDSA at inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa Semana Santa.
Ayon kay Coseteng, kailangan munang magbayad ng P100-K kada buwan ang mga bus company sa bawat slot sa naturang pribadong terminal o katumbas ng P1.2-M kada taon at P12-M kung sampung slots.
Bukod pa ito sa babayarang P400 kada papasok upang mag-pickup o magbaba ng mga pasahero na isa anyang kalokohan habang mayroon pang multang P1-M bawat bus kahit may prangkisa kung papasok ng Metro Manila.
Iginiit ng dating mambabatas na mabigat pa rin naman ang daloy ng trapiko sa EDSA kahit walang mga provincial bus at sa katunayan ay mga pribadong sasakyan ang nagdudulot ng matinding traffic sa nabanggit na pangunahing kalsada.
Ipinunto ni Coseteng na kung tutuusin ay nasa 11K ang mga provincial bus sa buong bansa kumpara sa 400K pribadong sasakayan na dumaraan sa EDSA kada araw.