Nabalot ng kontrobersya ang landbank of the Philippines-Ortigas branch makaraang i-freeze nito ang bank account ng PPI-JKG Philippines, na ngayo’y omi-JKG Philippines, isa sa mga contractor ng Land Transportation Office.
Nag-ugat ang account freeze sa liham ng isang Christian Calalang, na nameke ng mga dokumento sa General Information Sheet (G.I.S.) nang ibenta nito ang kanyang shares sa kumpanya kay Annabelle Arcilla-Margaroli.
Gayunman, isa lamang ang share ni Calalang sa OMI-JKG na nagkakahalaga ng P100 habang nagkaroon ang kanyang kumpanyang PPI-JKG ng joint ventures sa dutch company na JKG, na manufacturer ng plaka at nagsilbing supplier ng L.T.O. bago i-acquire ni Margaroli.
Dahil sa acquisition, nagkaroon ng joint venture ang 2 kumpanya upang bumuo ng OMI-JKG Philippines Incorporated.
Dismayado naman si Atty. Israelito Torreon, legal representative ng OMI-JKG, sa Landbank-Ortigas, lalo sa branch manager nitong si Nenita Camposano sa pagtanggi na i-release ang pera upang mabayaran ang mga utang sa supplier.
Iginiit ni Torreon na ang pasya ng bangko ay batay lamang sa request ni Calalang kaakibat ang palsipikadong G.I.S.
Dahil dito, matinding naunsyami ang issuance ng motor vehicle plates lalo’t nahihirapan ang OMI-JKG na bayaran ang local at foreign suppliers nito.