Mananatiling bukas ang mga tanggapan ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ng Malakanyang sa kabila ng ulat ng local transmission at pag-akyat ng bilang ng mga apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, walang nakikitang dahilan ang Palasyo para magsuspinde na ng pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa ngayon.
Dagdag ni Panelo, wala ring magiging pagbabago sa mga nakatakdang aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng pagdami ng kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Samantala, hinimok naman ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kapwa ang mga employers at manggagawa na magkaroon ng bukas na komunikasyon at kasunduan para sa alternatibong paraan ng pagtatrabaho.
Ito anila ay upang maiwasan o mabawasan ang panganib ng mga manggagawa na malantad sa COVID-19.