Iiyak sa budget hearing ang mga ahensya ng gobyerno na hindi sumusuporta sa report at rekomendasyon ng senado kaugnay sa mga dapat managot sa mga katiwalian sa PhilHealth.
Tiniyak ito ni Senate President Vicente Sotto III matapos madismaya at magulat sa report ng Task Force PhilHealth kung saan hindi kasama sa mga pinakakasuhan sina Health Secretary Francisco Duque III at dating Senior Vice President for Legal Sector Rodolfo Del Rosario.
Subalit nilinaw ni Sotto na hindi naman nila iipitin ang budget ng mga ahensyang hindi susuporta sa kanilang report pero dadaan aniya ito sa matinding pagbusis ng senado.
Sinabi ni Sotto na sana ay mayroon pang dagdag na irerekomendang kasuhan tulad ng naging pahayag ng Department of Justice (DOJ) at sana ay kabilang na rito sina Duque at Del Rosario.
Iginiit ni Sotto na hindi katanggap-tanggap ang mga palusot kung bakit hindi nakasama sina Duque at Del Rosario sa mga pinakakasuhan tulad ng mga may kinakaharap na pandemya kaya’t hindi natutukan, hindi pumirma at hindi alam ng kalihim ang ipinatupad na kuwestyonableng interim reimbursement mechanism.
Ito, ayon kay Sotto, ay dahil kasama si Duque sa mga Zoom meeting ng PhilHealth officials kung saan nagkaroon pa ng bull session o sigawan. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno