Suspendido na ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa lahat ng antas sa National Capital Region (NCR) simula kaninang alas dose ng tanghali.
Ito ay bunsod pa rin ng masamang panahong dulot ng bagyong Tisoy kung saan nakataas ang tropical cyclone wind signal number 2 sa Metro Manila.
Batay sa ipinalabas na memorandum circular 73 ni Executive Secretary Medialdea, hindi kasama sa suspensyon ang mga ahensiya ng pamahalaan na may direktang kaugnayan sa pabibigay ng mga pangkalusugan at pangunahing serbisyo sa publiko.
Ipinauubaya naman ng Malakanyang ang pagdedeklara ng suspensyon ng pasok sa mga pribadong sektor sa mga employers.
Samantala, binigyang diin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na tuloy pa rin ang dalawang nakatakdang aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng Palasyo mula hapon hanggang mamayang gabi.