Pag-aaralan ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang posibilidad na mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga nanunungkulan na nasasangkot sa pagpapakalat ng mga fake news o mapanirang impormasyon.
Sa isinumiteng Senate Bill 1680 ni Senadora Grace Poe, chairman ng nasabing komite, kanilang titignan kung meron pang maaaring iharap na karagdagang administrative case sa mga opisyal na nagpapakalat ng fake news bukod pa sa nakasaad sa Revise Penal Code.
Samantala hindi naman maitago ng senadora ang pagkadismaya kay Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa tila pagtatanggol aniya nito sa mga nasa gobyerno pagdating sa isyu ng fake news.
Kasunod na rin ito ng pagtatalo nina Poe at Roque sa pagdinig ng Senate Committee on Public information and Mass Media hinggil sa fake news kung saan tutol ang kalihim sa nasabing panukala ng senadora.
Pagigiit ni Roque labag sa equal protection of law ang panukala ni Poe dahil target lamang nito ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.
Paglilinaw naman ni Poe, hindi nito pinupunterya ang mga opisyal ng gobyerno bagkus ay pagbibigay diin na mas malaki ang tungkulin ng mga nasa pamahalaan dahil pinagkakatiwalaan sila ng publiko.
Facebook on ‘fake news’
Samantala, iminungkahi rin ni Poe sa mga kinatawan ng social networking site na Facebook ang paglalagay ng opisina sa Pilipinas na tatanggap ng mga reklamo at katanungan mula sa mga netizens.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa pagdinig sa Senado hinggil sa fake news na hindi napa-unlakan ng Facebook ang kanilang imbitasyon sa isang forum sa katulad na usapin.
Ayon kay Poe, hindi dapat balewalain ng Facebook ang mga imbitasyon sa mga forum kaugnay ng Facebook gayundin ang pagkakaroon ng tanggapan sa Pilipinas lalo’t mahirap silang hagilapin.
Samantala, iginiit naman ng pamunuan ng Facebook na wala silang partikular na polisiya sa pagtatanganggal ng mga fake news sa kanilang site.
Paliwanag ni Facebook Asia Pacific Vice President for Public Policy Simon Miller, sa kanilang pananaw ay wala silang karapatan para tukuyin kung ano ang fake news at hindi.
Gayunman, sinabi ni Miller na kanila namang hinihikayat ang mga Facebook users na i-report ang mga pekeng impormasyon para malimitahan ang paglitaw nito sa site.
—-