Pinagpapaliwanag ng Kamara ang mga opisyal ng Move It kung bakit itinuloy ang acquisition o pagbili ng Grab Philippines sa kanilang kumpanya noong nakalipas na Agosto kahit pa mayroon nang kautusan ang DOTr-Technical Working Group (TWG) na kanselahin ang kanilan pinasok ng kasunduan.
Sa pagdinig House Committee on Metro Manila Development, muling sinabi ni Cong. Joel Chua, na siyang Vice Chairman ng Komite, na mariing tinutulan ng TWG ang Grab at Move It partnership dahil lalabas na tila pang-apat na player ang Grab sa pilot study ng isinusulong na Motorcycle Taxi Program ng pamahalaan.
Una nang inihayag ng TWG, na maari lamang na mapabilang ang TNVS Company na ito sa motorcycle taxi sector kapag tuluyan nang nakapagpasa ng batas ukol dito.
Dahil sa ngayon ani Cong. Chua, tatlo lamang ang nabigyan ng permiso o accreditation ng pamahalaan para makasali sa pilot study, at hindi kabilang dito ang Grab.
Matatandaan na ilang transport at consumer groups ang umaalma sa pag-takeover ng Grab sa Move It, dahil sa kanilang hinala na ito ang paraan ng Grab Philippines para makapasok sa pilot operation ng motorcycle taxi sa bansa.
Kabilang din sa kinakaharap na reklamo ng kumpanyang ito ang napakamahal na singil sa pasahe at ang napakahirap na pagkuha ng confirmation booking.