Nagbigay babala ngayon ang PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency sa TNV’s o Transport Network Vehicles na Grab at Uber kaugnay sa posibleng paggamit sa mga drayber nito bilang drug courier.
Ito ay kasunod ng pagkakaaresto kay Jovet Atillano at ang pagkakasamsam ng mahigit isang milyong pisong halaga ng iligal na droga sa Mandaluyong City noong Setyembre 19.
Batay sa imbestigasyon ng PDEA, lumalabas na ginamit ni Atillano ang serbisyo ng TNV’s para i – deliver sa mga kustomer nito ang mga iligal na droga na nakalagay sa mga package.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, gumagamit ng ibang sim at pangalan ang mga drug syndicate at dealers sa mobile – based application na Grab at Uber upang hindi sila madaling matunton.
Dahil dito, hihingi ng tulong ang PDEA sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board at TNV’s companies para matigil ang nasabing modus.