Pagdami ng mga sasakyan ang isa sa mga pangunahing dahilan ng paglala ng daloy ng trapiko sa mga kalsada.
Ayon ito kay Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Spokesperson Celine Pialago dahil sa EDSA pa lamang aniya ay 7,500 na ang mga sasakyang dumadaan gayung nasa 6,000 lamang ang carrying capacity nito.
Sinabi pa ni Pialago na isa ring factor sa pagdami ng mga sasakyan sa kalsada ay ang Transport Network Companies o TNC tulad ng Grab at Uber.
Samantala, kinontra naman ng Grab ang pagsisi rito ng MMDA sa pagtindi ng trapiko sa Metro Manila partikular sa EDSA.
Ayon kay Grab Country Head Brian Cu, hindi na sila nakapagdagdag ng mga unit matapos pigilan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB kaya’t hindi sila dapat sisihin sa matinding trapiko sa kalakhang Maynila.
Sadyang hindi naman aniya nabawasan ang matinding daloy ng trapiko sa Metro Manila.
—-