Binigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang Grab Philippines ng limang araw upang ipaliwanag ang umano’y price surge at magsumite ng datos hinggil sa ilang beses silang nagpapataw ng minimum base fare na P85 para sa short trips.
Sa ilalim ng fare matrix na inaprubahan ng LTFRB noong September 2022, ang minimum fare para sa mga sedan-type transport network vehicle service ay P45; P55 para sa auv o suv-type t.n.v.s. at P35 para sa hatchback-type tnvs.
Sa huling hearing ng ahensya kahapon kaugnay sa “surge pricing” issue, inihayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na sa oras na makapagsumite ng paliwanag at datos ang Grab ay maglalabas sila ng desisyon.
Ayon kay Guadiz, posibleng ilabas ang desisyon ng LTFRB sa unang linggo ng Pebrero.
Layunin anya nilang maglagay ng “parameters” at isang “entity” ang dapat magtakda ng presyo, lalo’t ang gobyerno ang may kapangyarihan na mag-regulate at tumukoy kung kailan dapat magtaas ng pasahe.
Ipinunto ni Guadiz na dapat ding ipaliwanag ng Grab kung kailan dapat magpatupad ng increase at saang mga lugar dapat ipataw ang surge fee maging ang P85 minimum base fare na hindi naman aprubado ng LTFRB.