Nakatakdang maghain ng petisyon ngayong linggo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Grab Philippines para sa hirit na dagdag pasahe sa gitna ng mas mataas na excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ayon kay Grab Country Head Brian Cu, ang posibleng 6% hanggang 10% fare hike o P10.00 hanggang P13.00 ang magbibigay daan sa partner drivers ng kumpanya upang mabawasan ang epekto ng ipinatupad na panibagong tax reform.
Ipinaliwanag ni Cu na ang mas mataas na buwis sa langis ay tiyak na makaaapekto sa araw – araw na gastos ng kanilang mga partner driver gayundin ang kanilang kinikita kada buwan.
Nasa P3,200.00 hanggang P3,600.00 kada araw aniya ang kinikita ng kanilang mga tsuper kung saan P800.00 hanggang P1,100.00 ang ginagastos sa gasolina.
Batay sa kalkulasyon ng Department of Energy o DOE, P3.36 ang magiging dagdag sa kada litro ng diesel at kerosene; P2.97 sa gasolina habang P1.12 sa kada kilo ng LPG sa ilalim ng TRAIN Law.