Nanawagan ng tulong ang Grab philippines sa publiko para sa agarang ikadarakip ng mga suspek na pumatay at nagnakaw ng kotse na minamaneho ng isang Grab driver.
Ayon sa Grab, posibleng gumamit ng pekeng Facebook account ang mga suspek sa pag-papabook sa biktima na kinilalang si Gerardo Amolato Maquidato.
Si Maquidato ay binaril noong Huwebes sa Pasay City at pagkatapos ay tinangay ang sasakyan nito na kulay silver na Toyota Innova na may sticker na YV7-109.
Dahil dito, naglabas na ng alarma ang LTO o Land Transportation Office at HPG o Highway Patrol Group para mapabilis ang paghahanap sa nasabing sasakyan.
Matatandaang, si Maquidato ay binigyan ng parangal ng Grab noong nakalipas na taon makaraang mag-viral ang balita nang pagpapasakay niya ng libre sa isang maysakit na pasahero.
‘Know your customers’
Hinimok ng Grab Philippines ang mga awtoridad na ikasa ang ‘know your customer scheme’ para sa mga driver.
Kasunod na rin ito nang pagpatay sa Grab driver na si Gerardo Maquidato, Jr. noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Grab PH Country Head Bryan Cu, nakipag-usap na sila sa mga awtoridad para magpatupad ng mga kaukulang safety measures tulad nang pagre-require ng litrato ng mga pasahero kasama ang government issued ID nito.
Lumutang na rin ang panukalang paglalagay ng dash cameras at trackers para sa mga driver.
—-