Nag-alok na ng P100,000 pisong pabuya ang Transport Network Company o TNC na Grab para sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa mga nasa likod ng pagpatay sa Grab driver na si Gerardo ‘Junjie’ Maquidato Jr.
Ayon kay Grab Philippines Country Head Brian Cu, naka-usap na niya ang misis ni Junjie at humihingi ito ng tulong para sa mabilis na makamit ang hustisya sa pagkamatay ng kaniyang asawa.
Kasunod nito, nanindigan si Cu na pananagutan nila na gawin ang lahat ng mga hakbang para mahuli at mapanagot sa batas ang sinumang gumawa ng karumal-dumal na krimen sa tinaguriang good Samaritan.
Pinatay si Maquidato ng mga hindi matukoy na mga salarin na nagpanggap bilang mga pasahero ng Grab noong isang linggo sa Pasay City kung saan, binaril muna ang biktima at saka tinangay ang sasakyan nito.
Magugunitang nag-viral sa social media si Junjie dahil sa pagpapasakay nito ng libre sa isang maysakit na pasahero na siyang dahilan kaya’t binigyang parangal siya ng Grab.
Credit: Grab Photo ( Maquidato was awarded in 2016 for his kindness to a passenger )