Humihirit ng exemption ang Grab Philippines sa ipatutupad na modified number coding scheme sa Metro Manila.
Ayon kay Grab Philippines Country Manager Brian Cu, plano nilang makipagpulong sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para talakayin ang usapin.
Paliwanag ni Cu, malaki ang magiging epekto ng number coding scheme sa suplay o availability ng mga Grab vehicles.
Lalu na aniya sa kasalukuyang sitwasyon kung saan limitado lamang ang klase ng transportasyon na maaaring magamit ng publiko sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Maliban dito, sinabi ni Cu na posibleng mabawasan din hanggang dalawampung posyento ang kita ng mga Grab drivers kada linggo dahil sa number coding scheme.
Una nang inanunsyo ng MMDA na mananatili pa ring suspendido ang number coding scheme hanggang Biyernes, Hunyo 5 dahil kanila pang tinatapos ang guidelines hinggil dito.