Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang Grab sa singil nitong dalawang piso (P2) kada minuto ng travel time.
Binigyan ng limang araw ng LTFRB ang Mytaxi.ph Incorporated, operator ng Grab Philippines para sagutin kung bakit hindi dapat masuspindi o makansela ang certificate of accreditation nito sa nasabing singil ng walang pahintulot ng board.
Bukod sa written explanation, ipinag-utos din ng LTFRB sa Grab na magpakita sa hearing sa April 17 hinggil sa naturang usapin.
Ang dalawang piso kada minutong singil ay bukod pa sa 40 pesos na flagdown rate at sampu hanggang katorse pesos kada kilometro na sinisingil din ng Grab sa kanilang pasahero.
—-