Naniniwala si Senadora Grace Poe na pulitika ang nasa likod ng pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.
Matatandaang noong Huwebes ay naghain ng petisyon si Rizalito David na kumikuwestiyon sa citizenship at residency sa bansa ni Poe.
Sa panayam ng DWIZ, bagama’t aminado siyang may pulitika sa hakbang na ito ay nagpapasalamat pa rin ang Senadora dahil mabibigyan na raw siya ng pagkakataon para linawin ito.
“Sigurado ako merong pulitika dito, pero para sa akin nagpapasalamat na naman ako na inihain na nila ito para masagot on the record kung ano ba talaga ang aming posisyon dito at malaman rin ng ating mga kababayan na ang mga dokumento namin at ang aming katayuan dito ay magpapatunay na hindi ko sila nililinlang.”Ani Poe.
Muli ring nanindigan si Poe na siya ay tunay na Pilipino at sapat na rin aniya ang haba ng kaniyang inilagi sa bansa sakaling tumakbo sa mas mataas na posisyon.
“2005 ako bumalik, 2006 ako naging dual citizen, 2010 ako nag-renounce ng US citizenship, ngayon 2010 October, 2010 ako nag-assume din ng MTRCB Chairmanship so lahat po ‘yan ay pasok at yung sinasabi nila na naku eh ginamit naman niya ang kanyang US passport pagkatapos niyang mag-renounce, hindi po totoo yun.” Pahayag ni Poe.
By Allan Francisco | Sapol Ni Jarius Bondoc