Habang nagsusulat ang Grade 6 students ng Don Vicente Rama Memorial Elementary School sa Cebu, may isang estudyanteng humiling sa kanilang Teacher Morishka Nicole Uy na magpatugtog ng kanta.
Dahil Biyernes na at maaga namang natapos ang kanilang activities sa kanilang subject na Araling Panlipunan, binigyan ni Teacher Morishka ang mga bata ng oras para makapag-relax.
Nang patugtugin ang sikat na kantang “Maybe This Time”, agad itong sinabayan ng mga estudyante. At ang kanilang pag-awit, nagpagulat sa mga netizen!
Ayon sa ilang netizen, patunay ang eksenang ito na magaling talaga kumanta ang mga Pinoy.
Hinangaan ng iba ang ginawa ng guro na pagbibigay ng oras sa mga estudyante na makapagpahinga, lalo na’t mas masarap umano magsulat kapag may music.
Sinang-ayunan ito ng isang netizen na nagsabing dapat lang na magkaroon ang mga estudyante ng pagkakataon na ilabas ang kanilang mga talento.
Biro pa ng isang netizen, ibang history ang natutunan ng mga estudyante sa klaseng ito—ang sakit ng nakaraan.
Mayroon namang ilang nagsasabing tila istorbo sa iba ang kanilang jamming session, ngunit pagtitiyak ni Teacher Morishka, hindi ito maingay sa labas dahil sarado ang kanilang classroom at malumanay naman ang pagkanta ng mga bata.
Sagot nga ng isang netizen sa mga basher ng video, “Life is short. Enjoy it!”