Nasa kustodiya na ng Social Welfare Office sa Bayan ng Carigara, Leyte ang 13-taong gulang na Grade 8 student.
Ito ay matapos magpaputok ng hindi makilalang uri ng baril ang mag-aaral sa loob mismo ng kanilang paaralan noong Lunes, Enero 16.
Batay sa ulat mula sa Regional Headquarters ng Philippine National Police, nasa ikatlong palapag ng paaralan ang mag-aaral nang kuhanin nito sa kaniyang bulsa ang baril at pinaputok pababa, at tinangka pang barilin ang kanyang ulo.
Hindi naman natuloy ang pagbaril nito dahil agad naagaw ng kaniyang kaklase ang armas, at inihagis sa bubong ng gusali kaya walang nasugatan sa nangyari.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, nagmula sa tatay ng Grade 8 student ang baril na isang negosyante.
Nais umanong tapusin ng dalagita ang kanyang buhay dahil sa problema sa pamilya.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung ipapatawag ng PNP o Social Welfare Office ang ama ng dalaga dahil isasailalim pa sa ballistic examination ang baril.