Hindi na umano dapat dumagdag pa sa grading system ng mga mag-aaral ang recitation at attendance ng mga mag-aaral sa sandaling pumasok na ang bansa sa new normal dahil sa pandemya ng COVID-19.
Ito ang panawagan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) kasunod ng anunsyo ng Department of Education (Deped) hinggil sa pagbubukas ng klase para sa school year 2020-2021 sa Agosto 24.
Ayon kay ACT Partylist Rep. France Castro, kaunting mag-aaral na lamang ang makasasali sa attendance at recitation dahil hindi naman lahat ng estudyante ay may kagamitan tulad ng laptop gayundin ng access sa internet.
Kasabay nito, naghain naman ng resolusyon si Sen. Sherwin Gatchalian na humihiling na imbestigahan ang mga pagbabago sa pag-aaral ng mga estudyante gayong nasa gitna ang bansa ng COVID-19 pandemic.
Giit ng senador, kailangang mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mahigit 28 mga mag-aaral sa panahon ng krisis.
Kailangan din aniyang mapaghandaan ang tinatawag na shifting ng education platforms tulad ng online tools, printed materials gayundin ang radio at television based instructions sa mga nalalabing buwan bago tuluyang ilarga ang bagong petsa ng pagbubukas ng klase.