Isinara sa kauna-unahang pagkakataon sa publiko ang taunang graduation rites ng Philippine Military Academy (PMA) ngayong taon.
Ayon kay PMA Superintendent Vice Admiral Allan Cusi, ito’y dahil sa nararanasang pandemya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) kaya’t maging ang pamilya, ka-anak at malalapit na kaibigan ng mga kadete ay hindi rin pinayagang dumalo.
Ito aniya ang napagpasyahan ng mga opisyal ng pma sa harap na rin ng pakikipag-ugnayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP)at ng Department of Health (DOH).
Giit ni Cusi, batid niya kung gaano kasakit para sa mga magulang ng kanilang mga kadete ang naging pasya ng mga opisyal ng PMA subalit, para na rin ito aniya sa kapakanan at kaligtasan ng lahat.
Ayon naman sa tagapagsalita ng PMA na si Navy Capt. Cheryl Tindog, naging simple at pribado na lamang ang ginawang seremoniya sa loob ng PMA grounds sa Fort Gregorio Del Pilar sa Baguio City kahapon.