Matatanggal na sa Department of Justice o DOJ ang pag-uusig sa mga kasong may kaugnayan sa graft and corruption.
Ito ang isa sa mga nilalaman ng rekomendasyon ng consultative committee sa gitna ng isinusulong na federal form of government.
Sinabi ni Consultative Committee Member Rodolfo Robles, tanging Ombudsman na lamang ang magsisilbing prosecutor na uusig sa mga kasong may kinalaman sa iregularidad at katiwalian.
Pahayag ni Atty Robles, kung dati-rati, walang eksaktong maituturo kung sino ang uusig sa mga kasong may koneksiyon sa katiwalian, ngayon ay solo na lamang itong ipauubaya sa Ombudsman base sa isinasaad ng draft.
Sa ilalim ng federal form of government, magiging komisyon at constitutional body na ang Ombudsman na bubuuin ng isang chairman at apat na deputy Ombudsman na itatalaga sa Luzon, Visayas, Mindanao at NCR.