Pinaplantsa na ng Philippine National Police (PNP) ang homecoming parade ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach sa Lunes, Enero 25.
Inatasan na ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ang NCRPO na tutukan ang overall security, peace and order at emergency preparedness para sa kabuuan ng aktibidad.
Bukod dito, pinabubuo rin ni Marquez ang NCRPO ng multi-agency coordinating center na magmomonitor ng mga aktibidad para sa pagdating ni Wurtzbach.
Kabilang sa mga nakalinyang aktibidad para kay Wurtzbach sa Lunes ay ang courtesy call kay Pangulong Benigno Aquino III sa Malacañang at Senado, maging ang grand homecoming parade mula sa Sofitel Hotel sa Pasay City patungo sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City.
MMDA
Idi-deploy naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nasa 135 tauhan nito dahil sa inaasahang trapik na idudulot sa isasagawang grand homecoming parade para kay 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa Lunes (Enero 25).
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, asahang marami ang gustong masilayan si Wurtzbach dahil matagal ding panahon ang lumipas bago muling nasungkit ng Pilipinas ang korona sa Miss Universe kaya malamang na magdudulot ito ng masikip na daloy ng trapiko.
Magtatalaga naman ng pitong motorcycle riding traffic enforcers na magsisilbing escort security ni Wurtzbach.
Nauna nang inabiso ng MMDA ang magiging ruta ng parada.
Payo ng MMDA sa mga motorista, iwasan na ruta ng parada upang huwag maabala at dumaan na lamang ang mga ito sa mga alternatibong ruta.
By Meann Tanbio | Mariboy Ysibido