Maaaring makatulong para mapigilan ang hawahan ng COVID-19 ang panukalang pagpapatupad ng granular lockdown ng Local Government Units (LGUs).
Ayon ito kay Professor Guido David, fellow ng OCTA Research Group bagamat kailangan ng LGUs ng dagdag na mga tao para maging epektibo ang pagkakasa ng granular lockdown.
Sinabi ni David na base sa kasaysayan ng bansa, walang ebidensyang epektibo ang ipinatutupad na granular lockdown ng LGU’s sa gitna nang pagsirit ng kaso ng COVID-19.
Para maging epektibo ang granular lockdown, ipinanukala ni David ang pagbuo pa ng LGUs ng maraming paraan kabilang ang dagdag na manpower
Tinukoy ni David ang mga magbabantay na mga taong barangay kapag nagsara ang isang kalye gayundin ang mga maghahatid ng pagkain.
Kaugnay nito, binalaan ni David ang LGUs na limitahan ang pagpapatupad ng granular lockdown sa kada area lamang dahil hindi ito magiging epektibo kung kalat na sa mga komunidad ang kaso ng COVID-19.