Naapula na ang grass fire na sanhi ng pagbubuga ng abo ng Bulkang Kanlaon sa lalawigan ng Negros Oriental.
Ayon kay Bacolod City Fire Supt. Rodolfo Denaga, nag-pull out na ang kanilang composite team sa Barangay Biak-Na-Bato, sa bayan ng La Castellana na naapektuhan ng sunog.
Bagaman nasa 300 ektaryang damuhan ang natupok, hindi naman nakaabot ang apoy sa magubat na bahagi ng bundok.
Samantala, nasa ilalim pa rin ng alert level 1 status ang bulkan na nangangahulugang patuloy ang palalabas nito ng steam.
Phreatic eruptions
Asahan na ang mas peligrosong phreatic eruptions ng Bulkang Kanlaon sa lalawigan ng Negros Oriental.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Volcanologist Paul Alanis, ang patuloy na nararanasang pagyanig sa paligid ng Kanlaon ay indikasyon na posibleng magkaroon pa ng mga biglaang pagsabog sa mga susunod na araw.
Dahil dito, muling inabisuhan ni Alanis ang publiko lalo ang mga residente sa paligid ng bulkan na lumayo 4-kilometer permanent danger zone lalo’t maaaring magkaroon ng ash fall at rumagasa mula sa bunganga ng bulkan ang pyroclastic materials gaya ng mga nagbabagang bato at putik.
Aminado ang PHIVOLCS na hanggang ngayon ay mahirap magbigay ng prediksyon kung kailan muling magbubuga ng abo at mga pyroclastic materials ang bulkan.
By Drew Nacino