Lumagda sa isang tripartite agreement ang Energy Regulatory Commission(ERC), Iloilo City Government at More Electric and Power Corporation (MORE Power) na nagsusulong ng paggamit ng renewable energy resources na magbibigay-daan sa pagbaba pa ng presyo ng kuryente.
Batay sa kasunduan, mag-eestablisa ang MORE Power ng one-stop shop na nag-aalok ng renewable energy technologies gaya ng Net Metering at Distributed Energy Resources (DER) na maaaring pagpilian ng mga consumers.
Pahayag ni MORE Power President at CEO Roel Castro, ang kasunduan sa pagitan ng ERC at Iloilo LGU ay bilang pagsuporta sa target ng pamahalaan na mabawasan ang greenhouse gas emissions sa pamamagitan ng paggamit na ng renewable energy resources.
”One of the obligations under the agreement is to have a one-stop shop where applicants and interested parties can come. Our collaboration with the city government has been active for the past three years, and we warmly welcome the involvement of ERC. Being the first in the Visayas to enter into this agreement showcases our strong support for the government,” pahayag ni Castro.
Ayon kay ERC Chairperson at CEO Atty. Monalisa Dimalanta, sa ilalim ng kasunduan ang ERC ang siyang magbibigay ng technical at regulatory expertise, kabilang dito pag-streamline ng documentary submission, installation, payment at permitting processes ng Net-Metering at DER.
Nabatid na palalakasin din ng ERC ang information drive para mas lalong tangkilikin ng mga electric consumers sa Iloilo City ang renewable energy.
Ang Iloilo ang ikalawa lamang sa mga pilot Local Government Unit partner ng ERC para sa Net-Metering at sa kanilang greater renewable energy program.
“We hope that other LGUs are similarly inspired to partner with national agencies to bring solutions closer to our people,”ani Dimalanta.
Sa panig ng LGU, hinimok ni Mayor Jerry Treñas ang mga residente, partikular ang mga small businesses na lumipat na sa paggamit ng renewable energy para sa tiyak na pagbaba ng kanilang energy consumption.
Siniguro rin nito ang promosyon ng green practices sa lungsod sa pamamagitan ng paggamit pa ng solar panels.
“With this partnership, we aim to promote green practices, aligning with the national government’s targets. In Iloilo, our efforts include solar panels at the national high school, city hall, dialysis centers, and eye care facilities,” pahayag pa ni Treñas.
Sinasabing sa inisyal na paglulunsad ng programa ay nasa 72 qualified users na ang naisyuhan ng Certificate of Compliance ng ERC para sa Net Metering Program sa Iloilo City at inaasahan na madaragdagan pa ito sa mga susunod na araw.