Nais nang ipatanggal ng tuluyan ni Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña ang green lane sa shipment selectivity system.
Ayon kay Lapeña ito’y sa kabila ng mga reklamong maaari nilang matanggap mula sa mga brokers at truckers dahil sa posible itong magdulot ng port congestion dahil sa mas mahigpit na screening sa mga kargamento.
Paliwanag ni Lapeña, naniniwala siyang nagagamit sa iligal na gawain tulad ng smuggling ang green lane dahil dito aniya ay hindi na kailangan pang dumaan sa mahigpit na inspeksyon kaya’t nakakapagpasok ng kontrabando.
Dagdag pa nito ang nangyaring pagkakapuslit ng 604 kilo ng shabu noong Mayo na naging dahilan ng pagkakasuspinde ng paggamit sa green lane noong Agosto.
Pag-uusapan aniya ang posibleng pagtanggal sa green lane sa oras na magamay na at maisaayos ang computerization system ng ahensya.
—-