Pinawi ng lokal na pamahalaan ng San Juan City sa Maynila ang pangamba ng publiko kaugnay sa pamamasyal sa Greenhills Shopping Center sa kabila ng banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ito’y makaraang lumabas ang impormasyon na madalas magtungo sa isang prayer room sa naturang mall ang isa sa mga pasyenteng nagpositibo sa virus.
Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, ligtas na magtungo sa Greenhills dahil patuloy aniya ang kanilang isinasagawang sanitation at disinfection rito mula pa nang kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang bagong kaso ng COVID-19.
Nagsasagawa rin aniya siya ng surpresang inspeksyon upang matiyak na sumusunod ang shopping mall sa mga hakbang na kanilang napagkasunduang ipatupad laban sa virus.
Dagdag pa nito, muli nang binuksan sa publiko ang prayer hall na madalas puntahan ng pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 batay na rin sa rekomendasyon ng DOH.